-- Advertisements --

Ligtas ang lahat ng Pilipinong tripulante mula sa pag-atake sa dalawang barko sa Persian Gulf malapit sa Strait of Hormuz.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, mula sa tatlong barkong napaulat na inatake ng projectiles o hindi natukoy na bagay sa Persian Gulf, dalawa rito ang may sakay na mga Pilipinong tripulante.

Ang isang barko ay may lulan na 21 Filipino crew habang ang isang barko ay may 17 Pilipino, na lahat ay ligtas at inilikas patungo sa mas ligtas na pantalan.

Ang isa namang barko ay Thailand-flagged ship na walang sakay na Filipino crew.

Sa kasalukuyan, ayon sa kalihim, minomonitor nila ang kabuuang 7,313 Pilipinong tripulante na sakay ng mga barko malapit at nasa palibot ng conflict areas sa Gitnang Silangan.

Lahat naman aniya ng Filipino crew members ay ligtas at accounted, maliban sa isang Pilipinong tripulante na napaulat na nawawala na patuloy na pinaghahanap matapos tamaan ng missile ang kanilang tugboat habang naglalayag para tulungan ang distressed vessel na nasa Strait of Hormuz din noon.