Dumating na sa bansa ang 61 na stranded Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Dubai, United Arab Emirates, nitong Linggo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, ayon sa Department of Migrant Workers.
Ayon sa DMW, sakay ang mga repatriated OFWs ng Emirates flight EK334 at kabilang sa mga dumating ang tatlong menor edad. Agad naman umanong binigyan ng tulong pinansyal at transportasyon ang mga umuwi upang makabalik sila sa kani-kanilang mga probinsya.
Naglaan din umano ang pamahalaan ng pansamantalang matutuluyan, pati na ng psychosocial at tulong medikal para sa mga na repatriate.
Samantala, noong Sabado ay dumating din sa bansa ang 81 stranded na OFWs mula sa Middle East sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga Pilipino sa ibang bansa upang matiyak ang kanilang kaligtasan at matulungan ang mga nais nang umuwi sa Pilipinas.
















