Ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang operasyon nito sa isang eksklusibong subdivision sa Makati City upang isilbi ang arrest warrant laban sa negosyanteng pugante na si Charlie “Atong” Ang, kaugnay parin ng kaso ng missing sabungeros.
Ayon sa ulat, matapos makipag-ugnayan sa barangay at homeowners’ association, agad na isinagawa ng NBI ang pag-punta sa isang bahay na itinuturing nilang pag-aari ng isa sa mga anak ni Ang.
Sa unang pagsisiyasat, nahanap ng mga ahente ang nagbabantay ng bahay, at nang tanungin, itinuro nitong nakarehistro nga ang bahay sa pangalan ng anak ni Ang.
Nang humiling ang mga ahente ng pahintulot na pumasok, hindi sila pinapasok bagkos pinag-antay muna para sa pag-dating ng mga abogado ni Ang.
Hindi naman nag-sayang ng oras ang NBI at agad na inilunsad ang kanilang drone unit, na nagmasid sa kabuuang paligid ng bahay upang matiyak na walang makakalabas. Naka-pokus ang drone sa likod ng bahagi ng compound upang masubaybayan ang bawat pag-galaw.
Pagkaraan ng ilang oras, dumating ang mga abogado ni Ang, at pinayagan lamang ang limitadong bilang ng mga ahente, kasama ang mga kinatawan mula sa barangay, na pumasok upang maghain ng arrest warrant gunit pagkatapos maghanap sa mga kwarto, banyo, at mga sasakyan sa loob ng compound, hindi pa rin natagpuan si Ang.
Bagama’t hindi natuloy ang paghuli kay Ang, patuloy ang NBI sa kanilang operasyon. Ayon kay Head Agent Palmer Mallari, tagapagsalita ng NBI, patuloy ang natatanggap na mga tip ng NBI mula sa publiko.
Matatandaang umabot na sa P20 million ang reward money para sa makakapag turo sa kinaroroonan ni Ang.














