-- Advertisements --

Pormal nang naisilbi ng National Bureau of Investigation ang inisyu nitong ‘subpoena’ kontra sa Regional Director ng Department of Public Works and Highways sa Davao City. 

Kinumpirma ngayong araw ng kawanihan ang pagkakasilbi ng kautusan sa mga opisyal partikular ng DPWH Davao City District Engineering Offices 1, 2, at 3. 

Inatasan ang regional director ng kagawaran na magtungo at humarap sa tanggapan ng National Bureau of Investigation sa darating na Huwebes, ika-24 ng Setyembre 2026 sa ganap na ala-una ng hapon. 

Layon sa ‘subpoena’ na ipag-utos sa naturang opisyal na magbahagi ito ng mga impormasyon may kaugnayan sa imbestigasyon isinasagawa ng kawanihan. 

Kasalukuyan kasing gumugulong ang imbestigasyon ng ahensiya ukol sa mga kwestyunableng flood control projects sa Davao City, kilalang distrito ni Davao Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte. 

Kamakailan, ibinunyag ni NBI Dir. Melvin Matibag na aabot sa higit 40 flood control projects sa Davao City ang nakitaan ng ‘red flags’. 

Ayon sa kanya, pawang mayroon ‘red flags’ ang 47 mula sa 100 mga proyektong flood control ang natuklasan ng kawanihan. 

Habang sa naunang impormasyon, aabot sa 1.9 Billion Pesos ang halaga ng mga proyektong flood control ang naiward sa iisang construction company na Genesis88 Construction Inc, na ang may-ari ay malapit umano sa mga Duterte. 

Ang ‘red flags’ aniya sa mga proyekto ay meron substandard, ghost at ang iba’y iisa ang coordinates ngunit pinaglaanan ng 5 budget na iniba-iba lamang ang project titles. 

Ngunit paglilinaw ng direktor na ang binanggit na bilang ng mga proyektong may ‘red flags’ sa distrito ni Rep. Duterte ay hindi pa sigurado. 

Sa 47 bilang, tanging 6 pa lamang dito ang malinaw na mayroon problema o anomalya base sa kanilang nakita.