-- Advertisements --

Inihayag ni House Prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na dapat umanong maging huli si Vice President Sara Duterte sa mga mananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos jr., dahil siya ang susunod sa pagkapangulo sakaling mabakante ang posisyon.

Ayon kay Adiong, ang panawagan ni Duterte ay isang political stand, lalo’t naipahayag na rin umano ng Bise Presidente ang kanyang interes na tumakbo sa pagkapangulo.

Iginiit ni Adiong na may usapin din ng propriety dahil direktang makikinabang ang bise presidente sakaling magbitiw ang pangulo.

Sinabi niyang hindi umano dapat pangunahan ni duterte ang panawagan para sa pagbibitiw ni Marcos.

Tugon Ito sa pahayag ni Atty Paolo Panelo ang tagapagsalita ni VP Duterte na handang gampanan ng Bise Presidente ang pagkapangulo sakaling magbitiw si Marcos, dahil siya ang constitutional successor.

Sa ilalim ng Article vii, Section 8 ng 1987 Constitution, ang Vice President ang magiging pangulo para sa natitirang termino sakaling mamatay, permanenteng mawalan ng kakayahan, maalis sa puwesto o magbitiw ang pangulo.