-- Advertisements --

Pinuna ni ML Partylist Leila De Lima ang tuloy-tuloy na pagbaba ng pondo para sa Emivonment Management Bureau (EMB), isang kawanihan na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa pagtalakay ng House plenary sa 2027 budget ng DENR, napansin ni De Lima ang pagkakatapyas sa budget ng EMB sa mga nakalipas na taon hanggang sa kasalukuyan.

Tanong ng mambabatas, hindi ba umaangal ang naturang kawanihan?

Ikinababahala kasi ni De Lima ang tuloy-tuloy ding pagbaba ng kalidad ng hangin sa bansa, lalo na sa Metro Manila, na isa sa mga pangunahing pokus ng naturang ahensiya.

Inihalimbawa niya ang record noong 2025 kung saan ang Pasay ang natukoy na pinaka-polluted city sa buong Pilipinas.

Aminado naman ang sponsor sa budget ng DENR na si Palawan Rep. Jose Alvarez na ang EMB nga ay may ‘underperformance’ record sa mga nakalipas na taon, tulad noong 2025.

Ayon sa mambabatas, isa sa mga dahilan dito ay ang mababang bilang din ng mga empleyado ng ahensiya, kaya’t kailangan nitong mag-hire ng maraming personnel tulad ng forest protection officers.

Sagot naman ni Rep. De Lima, bagaman sinusuportahan niya ang pagkakapasa ng proposed budget ng DENR, dapat mangako ang ahensiya na makakapagdeliver talaga ito ng output o accomplishment, kasama na ang mahigpit na proteksyon sa kapaligiran.