Nagtatago na umano ang 18 nagpakilalang dating Marines na nagsilbing bagmen para kay dating Congressman Elizaldy Co dahil sa banta sa kanilang seguridad, ayon sa grupong sumusuporta sa kanila na United People’s Initiative (UPI), na binubuo ng mga dating military officials at personnel.
Ayon sa secretary-general ng grupo na si Rey Valeros Jr., nakatanggap umano ng banta sa seguridad ang 18 indibidwal kasunod ng kanilang rebelasyon sa umano’y paghahatid ng male-maletang pera sa ilang opisyal ng gobyerno.
Ginawa ang pahayag matapos na hindi sumipot ang 18 dating Marines, sa awarding ceremony ng UPI sa San Juan City ngayong Biyernes, Marso 6. Nakatakda sana silang parangalan para sa kanilang katapangan sa pagsisiwalat ng mga anomaliya.
Inamin naman ni Valeros na nagbibigay ang grupo ng suportang pinansiyal at seguridad para sa 18 dating sundalo kapag sila ay nasa labas.
Sa kabila naman ng kanilang pagtatago sa ngayon, inihayag ni Valeros na nakahanda ang 18 dating sundalo na harapin ang anumang imbestigasyon sakali mang ito ay gumulong sa Senado, Kamara de Representantes o sa Office of the Ombudsman.















