Mahirap nang maisaayos ang umano’y substandard na p289.4-million road dike project ng Sunwest Inc. sa Naujan, Oriental Mindoro, ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon.
Sa kanyang testimonya sa Sandiganbayan Fifth Division, sinabi ni Dizon na maaari sanang ipaayos sa contractor ang depekto nang walang gastos sa gobyerno sa normal na sitwasyon.
Ngunit aniya, hindi Ito magiging praktikal dahil kailangang gibain ang malaking bahagi ng proyekto.
Ipinaliwanag ni Dizon na tatlong metro lamang ang haba ng steel sheet piles na kanyang personal na sinukat, kumpara sa 12 metrong kinakailangan para sa stability ng dike.
Aniya, nangangahulugan Ito na kailangang palitan ang mga sheet piles at sirain ang malaking bahagi ng estruktura upang maisagawa ang rectification.
Ang proyekto ay bahagi ng graft case laban sa dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at iba pang dating opisyal ng DPWH.
Ayon sa prosecution, nakitaan Ito ng malulubhang structural deficiencies.
Si Co ay idineklarang fugitive from justice ng Sandiganbayan at hindi maaaring lumahok sa kanyang mga kasong graft at malversation hangga’t hindi siya boluntaryong sumusuko sa mga awtoridad.















