-- Advertisements --

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng mga shipment ng hinihinalang shabu na iniuugnay sa bansang Laos, habang masusing sinusuri umano ang mga ebidensiyang makatutulong upang matukoy ang mga nasa likod ng mga operasyon at maisampa ang kaukulang kaso sa Department of Justice. 

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, inihayaga ni Philippine Drug Enforcement Agency spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut, na hindi pa tapos ang imbestigasyon at patuloy na sinusuri ng ahensya ang mga impormasyong nakalap bago isumite ang mga ito sa Department of Justice. 

Kasabay ng imbestigasyon, tinitingnan din ng ahensiya kung ginagamit ng mga international drug syndicate ang Pilipinas bilang transshipment point o lugar na dinaraanan lamang ng ilegal na droga bago ito dalhin sa iba pang destinasyon.

Ayon kay Calulut, hindi lamang Pilipinas ang pinagdadalhan umano ng mga sindikato ng ilegal na droga, kundi maging ang iba pang mga bansa sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Matatandaang noong buwan ng Oktubre, nasabat sa bansang Lao ang nasa 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang 3.54 bilyong piso na balak sanang dalhin papuntang Pilipinas.

Hiwalay naman dito ang pagkakasabat noong Nobyembre 4 ng tinatayang 200 kilo ng hinihinalang shabu sa Manila International Container Port sa Maynila, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 1.36 bilyong piso.

Samantala, maaalalang iginiit naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nagkakaroon na umano ng positibong resulta ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.