-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ipinaalam ni Mr. Danver Dela Cruz, Presidente ng San Marcelino Irrigators Association, na posibleng huminto sa pagtatanim ang ilang magsasaka dito sa Ialawigan ng Ilocos Norte dahil sa mataas na presyo ng diesel dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon sa kanya, malaki ang epekto nito sa kanilang mga magsasaka lalo na’t karamihan sa kanilang mga kagamitan sa pagsasaka at patubig ay makinarya kaya kailangan nila ng diesel.

Paliwanag niya na maaapektuhan ang kanilang kita at mahihirapan ang kanilang paghahanda dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Samantala, hiniling niya sa gobyerno na dagdagan ang mga natatanggap na subsidiya dahil hindi ito sapat para sa kanila bilang mga magsasaka at maagang paghahatid ng tulong.

Nauna rito, nagpatupad ng big-time oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa buong bansa ngayong araw ng Martes, Marso 10.