Inakusahan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Sen. Alan Peter Cayetano na nagtatangkang ilihis ang usapin sa mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura at umano’y ilegal na reclamation sa Taguig, na aniya’y nagpapakita lamang ng pagkataranta ng senador.
Sa isang pahayag nitong Sabado, tinukoy ni Lacson ang pinakahuling Facebook Live ni Cayetano, kung saan sinabi nitong nakatanggap siya ng mga impormasyon na may ilang indibidwal umanong pinipilit upang umamin na nagkaroon ng mga iregularidad sa Taguig.
Hinamon ni Lacson si Cayetano na pangalanan ang mga indibidwal na sinasabi nitong pinagbantaan niya upang masagot niya nang direkta at isa-isa ang mga alegasyon.
Nauna nang pinuna ni Lacson ang mga pahayag ni Cayetano tungkol sa umano’y demolisyong udyok ng pulitika, pagpapakalat ng maling impormasyon at paglilitis sa pamamagitan ng publisidad.
Noong Setyembre 3, sinabi ni Lacson na tila natatakot si Cayetano sa tuwing may lumalabas na ebidensiya ng korupsiyon sa Taguig, tila nakakaawa na rin aniya ang mga pahayag ng kapwa senador sa internet.
Samantala, matatandaan na nauna nang sinabi ni Lacson na nagsumite siya at ang kaniyang grupo sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case study na may kalakip na mga opisyal na dokumento hinggil sa umano’y sistematikong iregularidad sa mga proyektong flood control sa Taguig.
Dagdag pa niya, nagbunsod ang mga isinumiteng dokumento ng fact-finding investigation ng Ombudsman sa mga alegasyon.
Kamakailan ay naglabas din is Lacson ng isang video mula sa composite inspection team na nagdodokumento umano ng patuloy na ilegal na reclamation sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig.















