Hinimok nina Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Sen. Bam Aquino ang pamahalaan na maglatag ng konkretong paghahanda at tiyakin ang koordinadong pagkilos ng mga ahensiya upang mabawasan ang posibleng epekto ng “Super El Niño” sa agrikultura, suplay ng pagkain, kabuhayan at iba pang mahahalagang serbisyo.
Iginiit ni Pangilinan na kailangang tiyakin ng mga ahensiya ng gobyerno na sapat ang kanilang mga plano at pondo, kasabay ng pagpapalawak ng pagpapabatid sa publiko tungkol sa mga hakbang na isinasagawa bago lumala ang epekto ng El Niño.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang protektahan ang sektor ng agrikultura at tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain habang inaasahang magpapatuloy ang naturang penomenong pangklima hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.
Nauna nang naghain si Pangilinan ng Senate Resolution No. 515 na naglalayong suriin ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, na kaniyang pinamumunuan, kung sapat ang badyet at mga contingency plan ng mga pangunahing ahensiya para sa posibleng epekto ng El Niño.
Samantala, hiniling naman ni Aquino kay Senate President Sherwin Gatchalian na muling ipatawag ang Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee upang matiyak ang koordinadong paghahanda ng pamahalaan.
Sa liham kay Gatchalian, sinabi ni Aquino na kailangang pagtugmain ang mga paghahanda at tugon ng mga ahensiya at agad na tukuyin ang mga kakulangan sa mga plano, pondo at kinakailangang interbensiyon.
Kabilang sa mga sektor na dapat paghandaan ang agrikultura, edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, kabuhayan, maliliit na negosyo at mahahalagang serbisyo.
Itinatag ang PROTECT Committee noong Marso 2026 upang bumuo ng komprehensibong pambansang balangkas sa pagtugon sa mga epekto ng mga sigalot sa Middle East sa suplay ng langis at ekonomiya ng Pilipinas.
Sa gitna ng banta ng Super El Niño, iginiit ng mga senador ang kahalagahan ng maagap at sama-samang pagkilos ng pamahalaan upang matiyak na may malinaw na plano at sapat na paghahanda bago pa maranasan ng mga Pilipino ang mas matinding epekto nito.
















