Ipinaliwanag ni Atty. Michael Poa sa simpleng paraan ang argumentong ilang beses nang nabanggit ni Atty. Sheila Sison kaugnay ng piercing the corporate veil, kasunod ng mga pahayag ni financial forensic analyst Atty. Alexander cabrera sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang corporate veil ay tumutukoy sa prinsipyong magkahiwalay na legal na entidad ang isang korporasyon at ang mga stockholder nito.
Ibig sabihin, karaniwang korporasyon ang mananagot sa sarili nitong mga utang at obligasyon, at hindi awtomatikong personal na pananagutan ng mga may-ari ang mga Ito.
Gayunman, maaaring gamitin ng hukuman ang prinsipyong piercing the corporate veil kung may sapat na legal na batayan, gaya ng paggamit sa korporasyon upang gumawa ng pandaraya o umiwas sa pananagutan.
Kapag napatunayang naaangkop ito, maaaring hindi kilalanin ang magkahiwalay na personalidad ng korporasyon at ng mga taong nasa likod nito para sa partikular na usapin.
Sa madaling salita, hindi sapat na iisang tao lamang ang may-ari ng korporasyon upang awtomatikong mapanagot siya sa lahat ng obligasyon nito.
Ngunit kailangan ding mapatunayan ang tunay na paghihiwalay ng personal at corporate assets, alinsunod sa batas at sa mga pangyayaring nakapaligid sa kaso.
















