-- Advertisements --

Hinamon ng prosecution panel si Atty. Mans Carpio na magsumite ng mga ebidensya kaugnay ng kaniyang pahayag na ginagamit ng pamahalaan ang lahat ng paraan laban sa kaniyang pamilya at ginagawa siyang collateral damage sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Isinagawa ni Carpio ang naturang pahayag sa isang pagtitipon ng 1BUKIDNON4 SARA DUTERTE MOVEMENT sa Valencia City, Bukidnon kung saan pinalabas niyang nadadamay lamang siya sa usapin.

Nilinaw naman ni Atty. Hez Montalan, deputy spokesperson ng prosecution panel, sa isang panayam na ang House of Representatives at hindi ang pamahalaan ang nakakita ng probable cause upang i-impeach ang Bise Presidente.

Ipinaalala rin ng tagapagsalita kay Carpio na nasa ilalim ng Absolute Community of Property ang kanilang property regime bilang mag-asawa kaya natural lamang na mabilang ang kaniyang pangalan sa pagsusuri ng kanilang mga ari-arian.

Lumalabas ang usapin kasunod ng pagtestigo ng prosecution witness at financial forensic analyst na si Atty. Alexander Cabrera ukol sa natuklasang hindi maipaliwanag na yaman at hindi idineklarang mga ari-arian ng mag-asawa na nagkakahalaga ng P817.87 milyon.