Iimbestigahan ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ang tangkang pagpupuslit ng tinatayang P700 milyong halaga ng bigas mula Vietnam, kasunod ng pagkakasabat sa dalawang barkong may kargang humigit-kumulang 20,000 metriko tonelada ng bigas.
Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng komite, layunin ng pagdinig na alamin ang mga iregularidad sa naturang mga shipment at kung bakit wala pang malalaking rice smuggler na naipakukulong at napapapanagot sa kabila ng umiiral na batas laban sa pagpupuslit ng produktong agrikultural.
Sinabi ni Pangilinan sa isang panayam na target niyang idaos ang pagdinig bago matapos ang Oktubre. Maaari rin itong isabay sa pagdinig sa panukalang badyet ng Department of Agriculture (DA) sa Oktubre 20 at 21 upang maiwasan ang magkahiwalay na pagdinig.
Ayon sa senador, kailangang magpaliwanag ang mga kinauukulang ahensiya tungkol sa insidente. Idinagdag niyang nais din niyang maituloy ang pagtalakay sa usapin hanggang sa plenaryo ng Senado.
Sa sesyon ng Senado noong nakaraang Huwebes, ibinunyag ni Pangilinan na nasabat ang dalawang barkong MV Tay Son 2 at MV Lucky Star noong Setyembre 17 at 21. Tinatayang nasa P700 milyon ang halaga ng kanilang pinagsamang kargamento batay sa umiiral na presyo sa pandaigdigang merkado.
Batay sa mga ulat, magkatuwang na nagsagawa ng operasyon ang Bureau of Customs (BOC), DA at Philippine Navy dahil sa kuwestiyonableng mga dokumento at pagkansela ng mahahalagang sanitary permit.
May kargang 12,500 metriko tonelada ng bigas ang MV Tay Son 2 nang tangkain nitong umalis sa Port of Davao nang hindi kumukumpleto sa kinakailangang proseso ng Customs. Dahil dito, naharang at nasakote ang barko ng Philippine Navy sa karagatan.
Samantala, nasabat naman sa Port of Limay ang MV Lucky Star na may kargang halos 7,500 metriko tonelada ng bigas dahil hindi umano tugma ang import permit nito sa aktuwal na laman ng shipment.
Iniimbestigahan ang mga insidente dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024. Sa ilalim ng batas, maaaring ituring na agricultural economic sabotage ang mga kuwalipikadong gawaing pagpupuslit na umaabot sa itinakdang halagang ₱10 milyon, na may kaukulang mabibigat na parusa at hindi pinapayagang makapagpiyansa habang dinidinig ang kaso.
Gayunman, ikinalungkot ni Pangilinan na sa kabila ng batas, nananatiling mababa umano ang bilang ng mga kasong nauuwi sa pagkakakulong at paghatol sa malalaking smuggler..
Nais ng senador na matukoy sa pagdinig kung paano mapananagot ang mga nasa likod ng malakihang pagpupuslit at kung anong mga hakbang ang kinakailangan upang mapigilan ang pag-uulit ng mga katulad na insidente.















