Itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paratang ni Vice President Sara Duterte na ang kaniyang administrasyon ang nasa likod ng mga alegasyong naglalayong siraan ang bise presidente, at hinamon itong magharap ng ebidensiya.
Tinanong ang pangulo tungkol sa akusasyon ni Duterte na may kinalaman ang administrasyon sa mga pahayag ni Rodulfo Gracioso Jr., isang sinibak na pulis na nag-aangking naghahatid siya ng malalaking halaga ng pera sa bise presidente at sa mga miyembro ng pamilya nito.
Binigyang-diin ng pangulo na kailangang mailatag muna ang mga ebidensiya at matukoy ang katotohanan bago gumawa ng konklusyon tungkol sa mga alegasyon laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Marcos na hindi niya masusing sinusubaybayan ang mga usaping pampolitika na kinasasangkutan ni Duterte, kabilang ang impeachment proceedings laban sa bise presidente, dahil nakatuon siya sa pagtupad sa kaniyang mga tungkulin bilang pangulo.
Nilinaw din ni niya na hindi si Duterte ang tinutukoy niya nang gamitin niya ang salitang “buwaon,” na nangangahulugang sinungaling. Aniya, reaksiyon niya ito sa panukalang amyendahan ang Konstitusyon upang kanselahin ang halalan.
Nang tanungin kung bakit ipinresenta ni Palace press officer Claire Castro ang pahayag bilang reaksiyon laban kay Duterte, sinabi ni Marcos na tila nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan tungkol sa kaniyang komento.
Ayon sa pangulo, hindi para sa publiko o bilang opisyal na pahayag ng Malacañang ang kaniyang naging reaksiyon.
Binigyang-diin din niya na kailangang may sapat na ebidensiya ang mga paratang laban sa mga opisyal ng pamahalaan. | via Bombo Angelo Aganan
















