Nakahanda na ang House prosecution panel na isailalim sa masusing cross-examination si Vice President Sara Duterte matapos makumpirmang boluntaryo itong haharap at tetestigo sa kaniyang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega, magsisimula na umano ang “bloodbath” na dating binanggit ng Bise Presidente sakaling tumestigo ito sa paglilitis.
Habang malugod namang tinanggap ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon ang balita at sinabing, “See you on Friday, Madam Vice President. We wish you the very best.”
Matagal nang iginigiit ng prosekusyon, kabilang si Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro, na tanging si Duterte lamang ang direktang makasasagot sa mga alegasyon hinggil sa umano’y P817.87 milyong unexplained wealth at sa mga pagkakaiba sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at bank records.
Kinumpirma naman ni Senate Impeachment Court Spokesperson Reginald Tongol na kusang-loob na haharap si Duterte upang ipagtanggol ang kaniyang sarili at nilinaw na walang inilabas na subpoena upang pilitin itong dumalo.
Bago lumabas ang pormal na abiso ng kaniyang mga abogado, nabanggit ni Duterte noong Biyernes, Nobyembre 27, na hindi pa nila napag-uusapan ng kaniyang legal team ang kaniyang pagtestigo at patapos na ang presentasyon ng kanilang mga testigo, habang una nang tiniyak ng tagapagsalita ng depensa na si Atty. Michael Poa na laging handa ang kanilang panig sa paglalahad ng ebidensya.
Samantala, pinuna ng ilang legal observer ang naging takbo ng mga naunang testigo ng depensa, kung saan sinabi ni Atty. Domingo Cayosa na ang testimonya ng isa sa mga naunang saksi ay tila pumanig pa sa ebidensya ng prosekusyon, bagay na lalong nagpapataas sa pressure para kay Duterte na personal nang humarap sa korte.















