Posibleng pagbaba ng dissolved oxygen o natunaw na oxygen sa tubig ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng iba’t ibang uri ng alagang isda sa mga palaisdaan, ayon kay Dr. Westly Rosario na dating direktor ng BFAR National Integrated Fisheries Technology Development Center.
Ipinaliwanag ni Dr. Rosario na bagama’t may iba pang sanhi tulad ng kontaminasyong kemikal, ang kawalan ng sapat na oxygen sa panahon ng tag-init, kung kailan mas mabilis kumain at lumaki ang mga isda, ang madalas na humahantong sa biglaang fish kill.
Upang maiwasan ang malaking pagkalugi, iminungkahi ng eksperto ang selective harvesting o maagang pag-aani sa piling mga isda upang mabawasan ang sobrang taas na biomass at hindi maubos ang oxygen sa katubigan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkontrol sa stocking density o dami ng alaga kada cubic meter at ang pagpapanatili ng kalinisan sa mga fish pen upang hindi bumagal ang paglaki ng mga isda.
Nawagan din ang dating opisyal sa pagpapatupad ng scientific profiling sa mga ilog upang matukoy ang tunay na kapasidad ng katubigan at maipagpatuloy ang ligtas at tuloy-tuloy na produksyon ng bangus at iba pang aquatic products.















