-- Advertisements --

Umabot sa 10 metriko toneladang tilapia ang namatay sa mga fish pen sa Magat Dam sa Isabela dahil sa fish kill.

Nabatid na umabot sa mahigit P1 million ang halaga ang nalugi sa mga operator at nag-aalaga ng tilapia sa lugar.

Batay sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR-Isabela, sanhi umano ng pagkamatay ng mga isda ang pagbaba ng antas ng tubig sa dam at kakulangan ng oxygen.

Nasa 10 metric tons ng tilapia ang naitala umanong namatay mula sa mga fish pen sa bayan ng Ramon at Cordon, na katumbas ng tinatayang P1.2 million ang halaga ng nalugi sa mga operator.

Nagsimulang makatanggap ang BFAR ng fish kill noong Lunes kaya agad nilang pinayuhan ang mga operator na mag-ani na ng kanilang mga isda upang maiwasan ang mas malaking pinsala.

Gayunpaman, may ilang operator na hindi na nailigtas ang kanilang mga alaga.

Samantala, nangako ang Isabela Provincial Fishery Office ng tulong sa mga naapektuhang fish pen operators, kabilang ang pagbibigay ng libreng fingerlings upang makapagsimula silang muli.