Nagpakawala na ng tubig ang pinakamalaking dam sa Northern Luzon bilang paghahanda sa inaasahang pananalasa ng bagyong Uwan.
Batay sa report ng Hydro-Meteorology Division ng state weather bureau ngayong Nov. 6, nasa 188.74 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam, o halos limang metro lamang bago maabot ang normal high water level nito na 193 meters.
Tumaas ang antas nito mula kahapon, dahil sa ilang serye ng pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Sa kasalukuyan, isang gate nito ang nakabukas at may opening na isang metro.
Nagpapakawala ito ng kabuuang 285.72 cubic meters per second (CMS).
Una na ring inabisuhan ang mga komunidad sa Northern Luzon na maaaring maapektuhan dahil sa malaking bulto ng tubig na pinapakawalan nito.
Batay sa forecast ng state weather bureau, posibleng maapektuhan ang naturang dam sa malawakang pag-ulan na dala ng bagyong Uwan, kapag tutumbukin nito ang Cagayan Valley kung saan naroon ang naturang dam.
















