-- Advertisements --

Pinatawan ng P1,000 multa ng Sandiganbayan Sixth Division ang panig ng prosekusyon matapos mabigong maibigay sa tamang oras ang mga dokumento sa bail hearing ng mga dating opisyal ng DPWH-MIMAROPA.

Nag-ugat ang penalidad sa late submission ng mga attachment sa judicial affidavit ng testigo ng gobyerno na si Commission on Audit (COA) Auditor Victoriano Acosta.

Sa pagdinig, inamin ng prosekusyon na nagkaroon ng pagkakamali kung saan maling dokumento ang na-scan at naipadala sa defense team ng mga kapwa-akusado ni Zaldy Co sa kasong malversation.

Dahil sa insidente, naantala at hindi agad naumpisahan ang cross-examination kay Acosta matapos maghain ng sunod-sunod na objection ang mga abogado ng depensa.

Iginiit ng kampo ng mga akusado na nalabag ang karapatan ng kanilang mga kliyente na masuri ang mga ebidensya at alegasyon laban sa kanila dahil sa kapabayaan sa pagbibigay ng dokumento.

Ang paglilitis ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro.

Sa kabila ng aberya sa Sixth Division, nakatakda namang ituloy ngayong ala-una ng hapon (February 5, 2026) ang preliminary conference para sa hiwalay na kasong graft ng mga akusado sa Sandiganbayan Fifth Division.