-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na nakalaan na ang inisyal na pondong nagkakahalaga ng ₱571.3 milyon upang magamit sa pagbabayad sa mga magsasakang may insurance na naapektuhan ng sunud-sunod na pananalasa ng Bagyong Tino at Bagyong Uwan.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang nasabing pondo ay bahagi ng mas malawak na assistance package na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mapabilis ang pagbangon ng sektor ng agrikultura.

Layunin ng pamahalaan na agad na maibalik sa normal ang operasyon ng mga magsasaka upang masiguro ang patuloy na suplay ng pagkain sa bansa.

Sa ulat na inilabas ng kalihim, aabot sa 65,176 na mga magsasakang may insurance mula sa 14 na rehiyon ang naapektuhan ng Bagyong Tino at Uwan.

Karamihan sa mga magsasakang ito ay nagtatanim ng pangunahing pagkain tulad ng palay at mais, kasama na rin ang mga high-value crops na pinagkukunan ng kita.

Ang Region V ang may pinakamaraming bilang ng mga magsasakang naapektuhan, partikular na sa lalawigan ng Catanduanes.

Umabot sa 10,958 ang bilang ng mga claimants mula sa rehiyong ito, at inaasahang aabot sa ₱119.4 milyon ang kabuuang halaga ng insurance payout na kanilang matatanggap.