Nakaranas ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura ang sampung rehiyon sa bansa dahil sa pananalasa ng Bagyong Uwan.
Matapos ang masusing pagtataya, umabot sa ₱14.12 bilyon ang kabuuang halaga ng mga nasirang pananim at ari-arian sa agrikultura.
Base sa datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA), umaabot sa 254,751 na mga magsasaka ang direktang naapektuhan ng bagyo.
Ang kanilang paghihirap ay lalo pang pinalala ng pagkawala ng tinatayang 455,911 metric tons ng mga produktong agrikultural.
Ang bagyo ay nagdulot din ng matinding pinsala sa mga lupang agrikultural. Humigit-kumulang 180,067 ektarya ng mga sakahan ang nasalanta at nangangailangan ng agarang rehabilitasyon.
Sa mga pananim, ang palay ang nakapagtala ng pinakamalaking pagkalugi. Ang halaga ng pinsala sa sektor ng palay ay umabot sa ₱2.25 bilyon. Sumunod naman ang mais, na may pagkalugi na tinatayang ₱654.11 milyon.
Sa kasalukuyan, ang Department of Agriculture ay aktibong nagpapatuloy sa pamamahagi ng mga kinakailangang interventions upang matulungan ang mga apektadong magsasaka.
















