-- Advertisements --

Nanindigan si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na hindi pugante si Sen. Ronald Dela Rosa.

Sa isang panayam, nilinaw ng kalihim na wala pang opisyal na kopya ng warrant of arrest laban kay Sen. Dela Rosa. Wala aniyang hawak na kopya ng warrant ang Department of Foreign Affairs, DILG, at ang Palasyo Malacañang.

Sa kabila nito, alam aniya ng DILG ang kinaroroonan ng senador na dati ring nagsilbi bilang hepe ng ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Remulla, sa kasalukuyan ay nasa Davao ang mambabatas, habang abandonado na rin ang isa niyang tahanan sa Cavite.

Ibinunyag din ng kalihim na tinangka na niyang makipag-ugnayan sa kampo ni Sen. Bato upang sabihing walang kopya ang gobiyerno ng International Criminal Court (ICC) warrant laban sa kaniya.

Ito na ang ika-apat na buwang hindi lumalabas sa publiko si Sen. Dela Rosa mula noong ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon nang warrant na inilabas ang ICC laban sa kaniya.

Sa kabila nito, hindi pa rin inaalis ni Sec. Remulla ang posibilidad na ‘mayroon’ ngang warrant of arrest laban sa senador na nagmula o hawak na ng ICC.