Gagamitin ng Philippine National Police (PNP) ang dagdag na panahon para mas palakasin ang paghahanda nito sa seguridad para sa susunod na halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK), na itinakda na sa Nobyembre 2028.
Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mahalagang gamitin ang pagkaantala ng halalan upang suriin ang mga naging hakbang ng pulisya sa mga nakaraang eleksyon at matukoy ang mga dapat pang pagbutihin.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 24, ipinagpaliban ang barangay at SK elections mula Nobyembre 2, 2026 patungo sa Nobyembre 13, 2028.
Ang bagong petsa ng halalan ay anim na buwan matapos ang May 8, 2028 presidential at general elections.
Ayon kay Nartatez, gagamitin din ng PNP ang mas mahabang panahon upang maihanda ang mga tauhan nito at mapalakas ang koordinasyon sa Commission on Elections (Comelec), mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.
Magsisilbi ring batayan ng PNP ang karanasan nito sa September 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections, na tinaya nitong naging pangkalahatang mapayapa at maayos.
Samantala, naghahanda naman ang Comelec na muling buksan ang voter registration kasunod ng pagpapaliban ng barangay at SK elections.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, inaasahang dadami ang magpaparehistro, gayundin ang mga botanteng nais maglipat o magpaaktibo muli ng kanilang voter registration dahil sa mas mahabang panahon bago ang susunod na halalan.
















