Kailangan umanong maramdaman ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng bigas sa bansa dahil 50% ang ibinagsak ng presyo sa pandaigdigang pamilihan mula pa noong 2024, ayon kay Jayson Cainglet, executive director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ngunit hindi naman nangyayari sa Pilipinas.
Giit niya, kung susundin ang trend sa world market, dapat ay nasa P35 hanggang P40 kada kilo lamang ang presyo ng imported na bigas.
Subalit sa pinakahuling Bantay Presyo ng Department of Agriculture, nananatiling nasa P40–P46 kada kilo ang regular milled rice sa Metro Manila, habang ang premium white rice ay nasa P50–P59 kada kilo at ang glutinous rice higit P60 kada kilo.
Samantala, inilunsad ng pamahalaan ang Benteng Bigas Meron (BBM) Na program na nag-aalok ng bigas sa halagang P20 kada kilo sa mga Kadiwa outlets simula Enero 2026 upang maibsan ang pasanin ng mga mamimili.
Bukod sa bigas, binigyang-diin ni Cainglet ang pangangailangan na bantayan ang presyo ng isda, lalo na sa bagsakan sa Navotas City, kung saan tumaas ang presyo ng galunggong na nasa P140–P180 kada kilo.
Aniya, may mga pagkakataong nasasamantala ito ng ilang negosyante kapag kulang ang pagbabantay ng mga kinauukulan.
Sa kabuuan, nanawagan ang SINAG na mas paigtingin ang monitoring at regulasyon upang matiyak na ang pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado ay tunay na maramdaman ng mga mamimili sa lokal na pamilihan, hindi lamang sa bigas kundi pati na rin sa pangunahing produktong pagkain gaya ng isda.
















