Ipatutupad ng pamahalaan ang malawakang programa sa produksiyon ng ube sa bansa upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng demand nito sa pandaigdigang merkado. Maglalaan ang Department of Agriculture (DA) ng P300 milyong paunang pondo na naglalayong mapadoble ang kasalukuyang ani at mapalakas ang ating kakayahan sa pag-export.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin nitong tiyaking ang mga lokal na magsasaka ang makikinabang sa oportunidad mula sa sumisikat na produktong Pilipino. Nais ng kawanihan na magkaroon ng tuloy-tuloy na pag-unlad upang maiwasan ang mga naging isyu sa ibang high-value crops.
Sa ilalim ng plano, maglalaan ng P850,000 bawat ektarya para sa sakahan, pasilidad, at produksiyon, na ipatutupad ngayong Nobyembre. Target nitong madoble ang kasalukuyang taniman bilang simula ng pagdaragdag ng 1,000 ektarya sa loob ng unang taon.
Paliwanag ni DA Undersecretary Philip Young, bahagi ito ng pagbuo ng matibay na supply chain at pagpapalawak ng merkado ng mga produktong agrikultural ng bansa sa buong mundo.
Kasabay nito, nagpatupad ang DA ng temporary ban sa pag-export ng raw ube at planting materials hanggang 2028.
Linaw ni Tiu Laurel, ipinagbabawal ang hindi pa napoprosesong raw ube dahil madali itong hiwain at gamiting pampatubo sa ibang bansa. Gayunpaman, bukas at itinutulak pa rin ang pag-export ng mga processed ube products tulad ng halaya, pulbos, at flavoring.















