Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na nangako ang mga rice miller na kanilang itataas ang buying price ng palay sa minimum na P17 kada kilo para sa wet na palay o unmilled rice at P21 kada kilo naman para sa dry na palay, lalo na sa Northern at Central Luzon na itinuturing na ‘rice-producing provinces’ ng bansa.
Layunin nitong matulungan ang mga magsasaka matapos bumagsak ang farmgate prices noong nakaraang taon.
Kasabay nito, pumayag ang mga importer na magpasok ng hanggang 300,000 metriko tonelada ng bigas na kailangang dumating bago matapos ang Pebrero upang hindi maapektuhan ang peak harvest sa Marso at Abril.
Ayon sa DA, pag-aaralan din nila ang posibleng paghihigpit o pagbabawal sa importasyon kapag nagsimula na ang peak harvest season, habang nananatili sa 15% ang rice tariff sa ngayon.
















