-- Advertisements --

Nagpakalat na ng mga elite intelligence units ang Philippine National Police (PNP) upang bantayan at buwagin ang anumang posibleng terror cells na nabuo sa bansa.

Hakbang ito ng pambansang pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa isang Jordanian national sa Pagadian City na iniuugnay sa mga suspek sa madugong Bondi Beach shooting sa Australia.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang PNP Intelligence Group na makipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Layon nitong masusing imbestigahan ang mga naging aktibidad sa Pilipinas ng suspek na si Mohammad Odeh Saleh Odeh.

Matatandaang naaresto si Odeh nitong ika-2 ng Marso sa isang joint operation ng PNP, AFP, at Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagiging overstaying at pagnenegosyo nang walang kaukulang permit at visa.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, konektado umano si Odeh sa mag-amang Sajid at Naveed Akram. Ang mag-ama ang itinuturong sangkot sa pag-atake sa pagdiriwang ng Hanukkah ng mga Hudyo noong Disyembre 2025, kung saan 15 indibidwal ang nasawi.

Tiniyak naman ni Nartatez sa publiko na walang dapat ikabahala dahil puspusang kumikilos ang lahat ng law enforcement agencies upang panatilihing ligtas ang bansa laban sa anumang banta ng terorismo.