-- Advertisements --

Inatas ng Department of Agriculture ang pansamantalang pagsuspinde sa distribusyon ng pataba mula sa limang supplier matapos makatanggap ng reklamo tungkol sa kalidad ng kanilang mga produkto.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagsagawa na ng imbestigasyon ang ahensya laban sa mga kumpanyang may kontrata sa pamahalaan kung saan makikipagtulungan umano ang DA sa Fertilizer and Pesticide Authority upang suriin kung pumapasa sa itinakdang pamantayan ng gobyerno ang mga ibinigay na pataba.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi katanggap-tanggap na maghatid ng substandard na produkto sa mga supplier kahit na ibinibigay ng pamahalaan ang presyong kanilang inaalok sa bidding.

Sa ilalim ng direktib, ipina-freeze muna ang lahat ng fertilizer stocks mula sa mga nabanggit na supplier hanggang sa mabigyan ng clearance ng Office of the Secretary. Habang inatasan naman lahat ng kawani ng DA na magsumite ng ulat sa maga nabinbing delivery, kasalukuyang transaksyon, at kaugnay na dokumento upang mapabilis ang masusing pagsusuri.

Samantala, hindi pa tinukoy ng ahensya ang eksaktong detalye ng mga reklamo, ngunit sinabi ng DA na bahagi ito ng mas mahigpit na pagbabantay sa kalidad ng farm inputs na ginagamit ng mga magsasaka sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon.