Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang barangay-level rollout ng P20 kada kilo na bigas sa Davao City, bilang pagpapalawak ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng administrasyon.
Unang isinagawa ang distribusyon sa Barangay Matina Crossing at sinundan sa Barangay Tungkulan sa Toril District noong Pebrero 20, sa pangunguna ni Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Genevieve Velicara-Guevarra, kasama ang mga opisyal ng barangay at kinatawan ng National Food Authority (NFA) at Food Terminal Corporation (FTI).
Ayon kay Guevarra, mahala ang aktibong partisipasyon ng lokal na pamahalaan upang matiyak na makarating ang subsidized rice sa mga target na benepisyaryo tulad ng mga indigent, senior citizen, persons with disabilities, minimum wage earner at solo parents. Aniya, nakatulong umano ang P20 Benteng bigas masterlist registry system, isang online registry ng mga benepisyaryo upang mapabilis ang beripikasyon at pagbili ng bigas.
Ipinaliwang ng DA na napapanahon ang pagpapalawak ng distribusyon dahil puno umano ang mga bodega ng NFA. sa pamamagitan ng mas mabilis na paglalabas ng suplay sa mga barangay, nababawasan ang laman ng mga warehouse at nabibigyang-daan ang patuloy na pagbili ng palay mula sa lokal na magsasaka.
Target ng pamahalaan na makinabang ang hanggang 60 milyong Pilipino sa programa ngayong taon, at plano itong ipagpapatuloy hanggang sa Hunyo 2028.
















