Nanindigan ang House Prosecution panel na malaki ang tulong at suporta ni Manila Rep. Benny Abante sa nagpapatuloy na pag-uusig kay VP Sara Duterte habang umuusad ang impeachment trial.
Ito ay kasunod ng pagpuna ni Senator-judge Panfilo Lacson sa ilang beses na pagtulog ni Rep. Abante sa loob mismo ng Senate Impeachment Court.
Maalalang dalawang magkasunod na araw namataan ang Manila lawmaker na nakaidlip sa loob ng korte habang umuusad ang trial at dati na rin siyang pinuna ni Trial Presiding Officer, Sen. Chiz Escudero.
Ang mga larawan ni Abante habang nakaidlip ay tuluyan ding napansin ni Lacson at sa isang online post, ay tinanong niya kung saan matutulog ang mambabatas habang walang paglilitis.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay panel spokesperson, Atty. Benjamin Tolosa Jr. binigyang-diin ng abogado na aktibong nakikibahagi si Abante sa tungkulin at trabaho ng panel sa loob ng korte, kaya’t itinuturing na mahalaga ang kaniyang presensiya sa korte.
Hindi na rin nagkumento ang panel spokesperson sa puna ni Sen. Lacson at sa halip ay iginiit nito ang pagrespeto ng mga prosecutor sa lahat ng mga senator-judge.
















