Maaari nang magamit ang pondo ng Department of Agriculture (DA) na nakalaan bilang fuel subsidy para sa mga magsasaka, kasabay ng tuloy-tuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay DA Spokesperson Asec Arnel De Mesa mayroon nang panuntunan ang ahensiya na magsisilbing gabay sa pamamahagi ng naturang tulong.
Kabilang dito ang pagiging miyembro ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), pagkakaroon ng farm machineries na ginagamit sa pagtatanim, pagkakaroon ng mga bankang pangisda na hindi lalagpas sa 3 tonelada ang gross tonage, at iba pa.
Ayon kay De Mesa, mayroong P150 million na nakalaan para sa fuel subsidy na nagmula pa sa 2025 budget ng ahensiya. Hindi aniya nagamit ang naturang pondo sa nakalipas na taon at maaari pa itong magamit hanggang sa buwan ng Disyembre.
Ang P150 million ay pantay na paghahatian ng mga magsasaka at mga mangingisda.
Sa kasalukuyan, nai-download na sa DA ang hanggang P100 million at maaari nang magamit anumang oras.
Kapag naubos ang P100 million, kailangan munang i-request ng DA ang natitirang P50 million sa Department of Budget and Management.
Ayon pa kay De Mesa, inaasahang makikinabang ang hanggang 15,000 magsasaka at 28,000 fisherfolks sa naturang pondo kung saan sa inisyal na plano, bawat magsasaka ay makakatanggap ng tig-P5,000 habang tig-P3,000 naman ang mga mangingisda.
Aminado ang opisyal na kulang ang nakalaang pondo, dahil sa dami ng mga mangingisdang mangangailangan ng tulong habang lalong tumitindi ang giyera sa Middle East.
Paliwanag pa ng opisyal, limitado lamang ang pondo sa naiwang fuel subsidy fund noong 2025 dahil walang nakalaan na kahalintulad na pondo ngayong 2026.















