Mahigpit na binabantayan ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng epekto sa sektor ng agrikultura at kalakalan ng bansa ukol sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East .
Sa inilabas na pahayag ng ahensya nitong Martes, sinabi ng DA na ang matagal na labanan sa rehiyon ay maaaring agad makaapekto agrikultura ng Pilipinas, lalo’t umaasa ang bansa sa pag-angkat ng ilang mahahalagang produkto.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na magreresulta sa mas mahal na gastos sa krudo, pataba, at freight.
Binigyang-diin ng DA na kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo, tataas din ang gastos sa farm inputs ng mga lokal na magsasaka. Posible rin umanong tumaas ang shipping rates dahil sa mas mahal na fuel, na magpapataas naman sa landed cost ng imported na harina at animal feed.
Kapag nangyari ito, maaaring sumipa ang presyo ng tinapay, manok, at baboy sa merkado bagay na maaaring makaapekto sa pagsisikap ng pamahalaan na makontrol ang food inflation.
Nauna nang tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na sapat ang suplay ng langis sa bansa sa kabila ng tensyon sa Middle East. Aniya, pinag-aaralan din ng pamahalaan ang pagbibigay ng fuel subsidies sa mga sektor na pinakaapektado ng oil price volatility, tulad ng transportasyon at agrikultura.
Tinitingnan din ng administrasyon ang panukalang bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na pansamantalang bawasan ang fuel excise tax upang mapababa ang presyo ng langis.
















