Binigyang-diin ni House Public Accounts Committee Chairperson at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na walang bigat o “evidentiary value” ang mga kumakalat na dokumentong tinaguriang “Bersamin files” na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga iregularidad sa pondo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ridon na hangga’t hindi kinukumpirma ni dating Undersecretary Adrian Bersamin ang autentisidad ng mga nasabing mensahe, mananatili itong “triple at double hearsay.”
“Wala itong probative value o evidentiary value, maging sa korte, sa impeachment proceedings, o sa mga pagsisiyasat ng Kongreso,” ani Ridon.
Ang pahayag ng mambabatas ay tugon sa mga alegasyong lumabas hinggil sa mga diumano’y palitan ng mensahe sa pagitan nina Bersamin at ng Pangulo patungkol sa mga kickback sa flood control projects.
Ayon kay Ridon, marapat lamang na magsalita si Bersamin upang linawin kung totoo o gawa-gawa lamang ang mga nasabing komunikasyon.
Iginiit niya na hindi dapat ituring na “actionable information” ng anumang investigative body ang mga dokumento hangga’t walang malinaw na basehan ang pinagmulan nito.
“Sa tindi ng mga akusasyong ito, nararapat lamang na ang diskurso ng publiko ay nakabatay sa mga beripikadong katotohanan—hindi sa mga unauthenticated na dokumento at mga secondhand na salaysay,” dagdag pa ni Rep. Ridon.
Matatandaang una nang itinanggi ng Malacañang ang mga nasabing akusasyon at tinawag itong walang basehan habang wala pang ipinaprisintang matibay na ebidensya.















