Personal na dadalo ang ilang kaanak ng mga umano’y biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng war on drugs sa confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands sa Lunes, Pebrero 23.
Kabilang sa mga pupunta si Sheerah Escudero, kapatid ng isa sa mga biktima ng war on drugs. Aniya, nais niyang humarap sa dating Pangulo upang ipakitang totoo at marami silang pamilya na nawalan ng mahal sa buhay.
Magsasagawa rin ng solidarity activities at martsa patungo sa International Criminal Court (ICC) ang mga pamilya, katuwang ang ilang human rights groups sa The Hague.
Magkakaroon din ng maikling programa bago pumasok sa gusali upang tunghayan ang pagdinig.
Nauna nang tumestigo sa ICC sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas, na umaming dati umanong bahagi ng Davao Death Squad at nagsabing may direktang utos sa mga pagpatay.
Nauna na ring sinabi ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti na maaaring tumagal ng hanggang tatlong oras bawat araw ang hearing bilang konsiderasyon sa kalusugan ng dating Pangulo. Dahil rin sa limitadong oras, posibleng hindi makapagharap ng mga testigo ang prosekusyon sa yugtong ito.















