Nais ng pamilya Duterte na sa Pilipinas mamatay si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling bawian ito ng buhay bago pa man matapos ang kanyang paglilitis sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Vice President Sara Duterte na may posibilidad na pumanaw ang kaniyang ama sa loob ng kulungan, bagay na pinag-usapan umano nila ng dating pangulo.
Inamin din ng bise presidente na nagbigay na ng habilin ang dating pangulo sakaling mamatay siya sa ICC detention facility. Gayunman bilang isang Pilipino at bilang isang anak, sinabi ni VP Sara na nais nilang sa lupain ng Pilipinas mamatay ang dating Pangulo.
May takot din ang pamilya na baka mamatay sa loob ng kulungan sa ibang bansa ang dating pangulo dahil sa katandaan at sa nararanasan nitong sakit sa balat habang nakakulong.
Kaugnay nito, hiniling ni VP Sara sa ICC na pabilisin ang proseso ng paglilitis laban sa kanyang ama na kasalukuyan nang nakaditine nang mahigit isang taon at apat na buwan.
Bagama’t may sariling habilin ang dating pangulo, naninindigan ang kanyang pamilya na mas mabuting pauwiin siya at sa sariling bansa harapin ang kanyang nalalabing mga araw.
Nahaharap nga ang dating pangulo sa tatlong bilang ng krimen laban sa sangkatauhan dahil sa umano’y insidente ng pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng kaniyang administrasyon.
















