Iginiit ng mga abogado ng mga biktima ng drug war sa International Criminal Court na pasok sa legal criteria ang fitness ni dating pangulong Rodrigo Duterte para humarap sa paglilitis.
Sa kanilang obserbasyon na isinampa noong Setyembre 17, sinabi ng common legal representatives of victims o clrv na unanimous ang naging findings ng panel ng medical experts na, sa kabila ng ilang kondisyong nakita sa pagsusuri, taglay ni Duterte ang kakayahang kinakailangan upang lumahok sa trial.
Ayon sa Counsel for Victims, wala ring nakitang bagong ebidensya sa isinagawang medical evaluation noong Agosto 21.
Dahil dito, sinabi nilang may sapat na batayan ang ICC trial chamber para pormal na ideklarang fit to stand trial si Duterte.
Gayunman, kinilala ng clrv ang rekomendasyon ng mga eksperto para sa ilang reasonable accommodations upang mapadali ang pagdalo at partisipasyon ni Duterte sa proceedings, basta’t hindi Ito makaaapekto sa karapatan ng ibang participants at sa maayos na takbo ng paglilitis.
Hiniling ng common legal representatives of victims sa trial chamber na pormal nang maglabas ng finding na fit to stand trial si Duterte.
















