-- Advertisements --

Binuweltahan ni dating Senador Antonio Trillanes IV si Vice President Sara Duterte na nahihibang na matapos sabihing lapdog o tuta umano niya at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang International Criminal Court (ICC).

Sa isang event na idinaos sa labas ng ICC headquarters na dinaluhan ni VP Sara, inakusahan din niya ang pangulo at si Trillanes na naging daan umano ng pag-aresto ng ICC sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa dating senador, hindi lapdog ang ICC sa sinuman.

Giit pa ni Trillanes na ang kaso ng dating pangulo sa ICC ay bunga ng malalimang imbestigasyon sa loob ng ilang taon.

Tinugunan din ni Trillanes ang pahayag ni VP Sara na hindi lahat ng extrajudicial killings o pagkamatay na iniuugnay sa war on drugs ay konektado sa kampaniya kontra iligal na droga ng kaniyang ama dahil maaaring dulot ito ng lumalalang gun violence sa bansa.

Ayon pa kay Trillanes, malawakang batid umano na ang libu-libong pagkamatay ay nangyari sa ilalim ng drug war policy ng dating pangulo.