Hiniling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na alisin ang dalawang testigo ng prosekusyon sa listahan nito matapos igiit na ang kani-kanilang pahayag ay nakabase lamang umano sa hearsay, at mga impormasyong nakuha mula sa media at social media.
Sa isang redacted request filing na inilabas noong Nobyembre 9, pinatatanggal ng abogado ni Duterte na si Peter Haynes sa ICC Trial Chamber III ang mga testigong tinukoy bilang P-1334 at P-1348, kung saan sinabi nitong ang dalawa ay halos wala sa bansa sa buong panahon ng sinasaklawan ng Counts 2 at 3 ng mga kaso.
Ayon sa depensa, wala ni isa sa dalawang testigo ang may direktang personal na kaalaman sa mga naging desisyon at operasyon noong panahon ng pamumuno ng dating pangulo, partikular na sa mga alegasyon ukol sa umano’y killing quotas, financial rewards, at target lists na nag-uugnay din kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Binigyang-diin ni Haynes na ang salaysay ng mga testigo kaugnay ng ilang insidente ng pagpatay sa war on drugs ay nanggaling lamang sa mga nabasa sa pahayagan o narinig sa kuwento ng ibang tao, kaya wala itong sapat na probative value upang gamitin laban sa kaniyang kliyente.
Nakatakdang harapin ni Duterte ang tatlong count ng crimes against humanity sa kaniyang paglilitis sa ICC na magsisimula ngayong Nobyembre 30, 2026, habang wala pa namang inilalabas na desisyon ang Trial Chamber III ukol sa naturang mosyon ng depensa.











