Ipinagtanggol ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng paggigiit na ang War on Drugs ay isang polisiya ng gobyerno at hindi isang “crimes against humanity.”
Sa kaniyang naging pahayag sa isang “Free Duterte” rally sa The Hague, Netherlands, binigyang-diin niya na ang kampanya laban sa ilegal na droga gaya ng “Oplan Tokhang” ay bahagi ng zero-tolerance policy ng gobyerno.
Aniya, ang pagpapatupad nito, maganda man o pangit ang naging resulta, ay usapin ng pamamahala at hindi isang krimen laban sa populasyon.
Ikinumpara rin ng bise presidente ang isyu kung paano pinapatakbo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bansa sa kasalukuyan, na maaaring mabuti o masamang pamamahala.
Ikinatuwiran pa ni Duterte na ang mga pagkakamali o mahinang implementasyon ng programa ng gobyerno ay hindi katumbas ng crimes against humanity.
Kinuwestiyon din ni VP Sara ang mga ebidensyang hawak ng International Criminal Court (ICC). Aniya, hindi mapatunayan ng mga imbestigador na ang lahat ng mga nagrereklamo ay tunay na biktima ng opisyal na kampanya kontra-droga.
Nanindigan siya na kung mayroon mang mga pagkakamali o pang-aabuso, ang mga lokal na korte sa Pilipinas ang may hurisdiksiyon at kakayahang duminig sa mga kasong ito, hindi ang isang dayuhang korte.
















