Inaatasan ng International Criminal Court o ICC si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pisikal na dumalo sa lahat ng araw ng kanyang paglilitis na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.
Ito ang paalala ni ICC Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner sa depensa ni Duterte sa ikalima at huling status conference ng kaso ngayong Lunes.
Ayon kay Korner, inaasahan ng korte ang araw-araw na pagdalo ng dating pangulo sa mismong courtroom sa oras na pormal nang magsimula ang trial.
Sinang-ayunan naman ito ng lead defense counsel ni Duterte na si Peter Haynes, na tiniyak ang pagdalo ng kanyang kliyente sa paglilitis.
Samantala, hindi dumalo si Duterte sa naturang status conference matapos niyang i-waive ang kanyang karapatang dumalo sa pagdinig.
Nahaharap ang dating pangulo sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.
Inaasahang magsisimula ang paglilitis sa November 30 sa The Hague, Netherlands.















