-- Advertisements --

Inilarawan ni Senator Risa Hontiveros na si Vice President Sara Duterte na bilang kasalukuyang pinakamalakas na kandidato sa 2028 presidential race, habang binigyang-diin ang pangangailangan ng pagkakaisa sa hanay ng oposisyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Hontiveros na kung nagnanais ang oposisyon na magkaroon ng seryosong laban para sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno, kailangan nilang paghandaaan ito upang makipagsabayan sa pinakamalakas na kandidato.

“As of today, siya [VP Sara] talaga ang pinakamalakas na kandidato,” ani Hontiveros.

“Kung pipili kami ng kandidato sa hanay namin at mag-unite kami sa kanya, kailangan maging kasinglakas ng kandidatong iyon at kalaunan maging mas malakas sa kandidatong iyon.”

Aniya, dapat makapag-alok ang nagkakaisang oposisyon sa mga botante ng “something new” at “something better” kaysa sa naging karanasan nila.

“Hindi pag-uulit sa isang nakaraan na nasubukan na natin, kundi something different and better,” dagdag niya.

Si VP Sara, anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at isang dating kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagsabi ngayong Miyerkules, Pebrero 18, na tatakbo sa pagka-pangulo sa 2028.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na may “political motive” ang mga pinakabagong impeachment complaints laban sa kanya. Binanggit niya na isa sa mga mambabatas na sumuporta sa reklamo ay ka-partido ni Hontiveros, na nagpahayag naman ng posibilidad na siya ay mapili bilang standard bearer ng oposisyon.

Binigyang-linaw ni Hontiveros na hindi siya nag-file ng anumang impeachment complaint, at ang kasalukuyang kaso ay nasa Kamara ng mga Kinatawan.

Iginiit niya na ang pagpapatupad ng impeachment trial ay tungkulin ng Senado, hindi personal o pampulitikang agenda.

“It is the constitutional duty of Senate, kung at kapag may i-transmit sa aming impeachment complaint ng House, na umupo kami bilang senator-judges at timbangin yung mga ebidensya na ipipresenta sa amin noon, at mag-desisyon, bumoto tungkol sa impeachment complaint on the basis of that evidence,” ani Hontiveros.