Muling binalaan ang mga residente ng Cebu sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa na maaaring dulot ng Bagyong Wilma, lalo na sa mga lugar na kamakailan ay sinalanta ng Bagyong Tino.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay John Manny Agbay, weather specialist ng PAG-ASA Mactan, sinabi nito na kahit nananatiling tropical depression ang bagyong Wilma, inaasahang magdadala ito ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan simula ngayong araw hanggang Sabado, Disyembre 6.
“Dito sa Cebu, ang bagyong Wilma before maglandfall sa Central Cebu, isa siyang tropical depression. Ibig sabihin, mahina siyang bagyo. Despite sa mahina yung hangin niya, yung concern natin is lakas ng ulan,” saad ni Agbay.
Aniya, nakataas sa yellow warning ang Cebu kung saan sa susunod na 24 na oras ay posibleng maranasan ang 100-200mm rainfall.
Dahil dito, posible pa ang mga flash flood kaya mahigpit na pinaalalahanan ni Agbay ang mga nakatira sa mga low-lying areas, tabing-ilog at dagat, at sa mga landslide-prone areas na maging handa sa agarang paglikas kung kinakailangan.
Binanggit pa nito na ang mga bayan tulad ng Liloan at Danao, na nakaranas na ng pagbaha sa kamakailang epekto ng Bagyong Tino, ay posibleng muling maapektuhan kung sunod-sunod na ang mga pag-ulan.
Payo pa nito sa publiko na ngayon pa lamang ay maghanda na ng pagkain, i-charged na ang cellphone ,powerbank, at flashlight at matuto na sa nagdaang kalamidad.
“Para sa mga kababayan na nakakaranas na ng bagyong Tino, matuto na tayo at magprepare na tayo habang mas maaga. Maghanda ng pagkain, i-charge ang powerbank and cell phone at kung pweding lumikas, lumikas na tayo,” dagdag pa ni Agbay.
















