KALIBO, Aklan — Tiniyak ng Caticlan Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC) sa mga turista, residente at iba pang stakeholders na wala pang isasagawang fare adjustments sa kanilang mga bumibiyaheng motorbanca papuntang Isla ng Boracay.
Ayon kay CBTMPC consultant Godofredo Sadiasa, sa kabila ng malakihang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, hindi pa nila ikinokonsidera ang taas-pasahe.
Maliban dito, kahit regulated umano ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang transportasyon sa karagatan sa bansa, dapat pa rin na sumunod sa patakaran bago magpatupad ng dagdag singil sa pamasahe at kargamento.
Aniya, obligasyon rin nilang magpasa muna ng abiso sa MARINA at publiko, kung saan, dapat magkaroon muna ng 14-days notice bago magpatupad ng taas-singil.
Samantala, sakaling tumaas ang presyo ng susunod na delivery sa kanilang sariling gasoline station, malaki rin ang magiging bawas nito sa kanilang kita.
















