-- Advertisements --

Pormal nang sasalang sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson upang magbigay-linaw sa isyu ng mga maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, ang panel chairman, na tinanggap ng kanyang komite ang boluntaryong pag-alok ng dating gobernador na tumestigo.
Ayon sa senador, mismong si Singson ang nagpadala ng sulat at nagtungo sa kanyang opisina nitong Lunes upang iparating ang kanyang intensyon.

Bagaman hindi pa isinasailalim sa pormal na vetting o pagsusuri ang magiging testimonya ni Singson, nilinaw ni Lacson na agad niyang pinayagan ang kahilingan matapos makatiyak na nakasentro ang pahayag sa naturang kontrobersiya.

Iginiit din ng panel chair na kahit walang isinumiteng affidavit, sapat na ang kaugnayan ng pahayag ni Singson sa isinasagawang imbestigasyon.

Pansamantalang itinakda ng komite ang susunod na pagdinig sa Abril 14, ngunit maaari pa umano itong mapaaga.

Samantala, inihayag din ni Lacson na hati ang mga miyembro ng komite kung ipapatawag ang 18 dating Marines. Ang nasabing grupo ay nag-angkin na naghatid umano ng P805 bilyong cash mula sa pondo ng flood control projects patungo sa iba’t ibang indibidwal.

Ayon sa senador, may mga tumututol sa pagpatawag sa mga dating militar dahil baka makagulo lamang ito sa takbo ng imbestigasyon.