-- Advertisements --

Inihayag ni former Ilocos Sur Governor Chavit Singson na siya’y babalik muli sa Senado upang humarap at ibahagi ang kanyang testimonya sa isasagawang pagdinig nito ukol sa imbestigasyon sa flood control projects anomaly.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo, diretsahan niyang sinagot ang kahandaan na pumunta sa tanggapan ng senado hindi lamang para dumalo sa pagdinig kundi pati magsumite ng kanyang ‘salaysay’ o ‘affidavit’.

Aniya’y kung siya’y ipapatawag ng Senate Blue Ribbon Committee ay tiyak umanong dadalo ito sa pagdinig.

Saad ng dating Gobernador na ang layon sa pagpunta sa senado ay para makatulong sa isinasagawang imbestigasyon at isumbong ang mga nakitaan ng koneksyon sa anomalya.

Paglilinaw naman ni former Ilocos Sur Governor Chavit Singson na wala umano siyang kasalanan kung bakit ipinagpaliban muna ang pagdinig ng senado.

Aniya’y noon pumunta siya sa tanggapan nito kamakailan, mayroon nag-abiso sa kanya na hindi na raw ito matutuloy sa kabila ng kahandaan magsumite ng ‘affidavit’.

Itinuro ng naturang dating gobernador na ang komite aniya ang siyang pumigil sa kanyang pagpunta o pagsusumite ng salaysay sa senado.

Ipinagpaliban kasi ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig dahil hindi pa pormal naisusumite ni Singson ang kanyang salaysay at hinihintay ang pirma ng ilan pang senador sa ilalabas na ‘partial committee report’.

Tumanggi ng ilahad ni former Gov. Singson ang nilalaman ng kanyang isusumiteng ‘affidavit’ sa senado ngunit tiniyak pirmado at notaryado na ang naturang dokumento.