Hindi inaprubahan ng Senado ang hiling ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na magamit ng kaniyang pamilya ang Senate Mansion sa Baguio City.
Matatandaang sumulat si Sen. Bato kay Senate Pres. Vicente ”Tito” Sotto III para hilinging manatili ang kaniyang pamilya sa Senate Mansion para sa gaganaping CSAFP Cup shooting competition sa March 26-29, 2026.
Ayon sa liham na natanggap ng Office of the Senate Secretary sa parehong araw, gagamitin lamang umano ang mansion upang matuluyan ng pamilya ng senador.
Hindi naman nabanggit sa liham kung sasama rin si Dela Rosa sa nasabing aktibidad.
“May we request your good office to allow us to use the Senate Mansion on March 26-29, 2026? The mansion will be used solely to accommodate the undersigned’s family during the CSAFP Cup 2026 in Baguio City,” nakasaad sa liham.
Gayunman, sinabi ni Senate Secretary Mark Llandro Mendoza na hindi maaaring pagbigyan ang kahilingan ng senador dahil kasalukuyan itong sumasailalim sa pagkukumpuni ang Senate Mansion.
Matatandaang hindi na dumadalo sa Senado si Dela Rosa mga sesyon sa Senado mula noong Nobyembre 2025, kasunod ‘yan ng mga ulat na naglabas na ng arrest order ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng pulisya noong administrasyon ni Duterte, ay tinukoy rin bilang co-perpetrator sa kontrobersyal na war on drugs ng nakaraang administrasyon na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Dahil sa patuloy na pagliban, halos lahat ng kanyang committee memberships sa Senado ay nawala na rin. Noong Pebrero, pinalitan siya ni Sen. Joel Villanueva bilang miyembro ng Senate Committee on Justice and Human Rights.
Sa parehong buwan, pumalit din si Sen. Robin Padilla sa kanya sa Senate Blue Ribbon Committee. Dahil din sa kanyang patuloy na pagliban, sinampahan siya ng ethics complaint ng civil society group na ‘Wag Kang KuCorrupt.’
















