-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ang magiging pinakamabigat na pasanin para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na bumubuo sa halos kabuuan ng sektor ng negosyo sa Pilipinas.

Ayon kay PCCI President Perry Ferrer ,labis na maaapektuhan ang operasyon at kakayahang mabuhay ng maliliit na negosyo dahil karaniwan nang maliit lamang ang kanilang profit margins.

Binigyang-diin ng opisyal na lubhang sensitibo ang mga negosyong ito sa anumang paggalaw sa operating costs gaya ng gastusin sa gasolina, transportasyon, at logistics.

Tinukoy din ni Ferrer na ang enerhiya ay nagsisilbing buhay ng kalakalan.

Aniya, kailangang maprotektahan at mapatatag ang presyo nito upang hindi mapilay ang pangkalahatang ekonomiya.

Dahil dito, ipinahayag ng opisyal na buong-buong sinusuportahan ng kanilang hanay ang anumang hakbang ng pamahalaan na maibaba ang presyo ng langis.

Binalaan niya ang publiko na kapag napilitang magsara ang mga MSMEs—na bumubuo sa 99.6% ng business community ng bansa—ay malaking problema ang kakaharapin ng Pilipinas.

Samantala, bilang bahagi ng paghahanap ng solusyon, patuloy ang panawagan ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon na pansamantalang alisin o suspindihin ang ipinapataw na excise tax at value-added tax sa mga produktong petrolyo.

Kaugnay nito, nangako naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aaralan ng ehekutibo ang posibleng pagbabawas sa mga nasabing buwis sa gitna ng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa pandaigdigang suplay ng langis.