Itinanggi ng Department of Budget and Management (DBM) na sinasadya nitong ipitin ang pondo para sa mga lokal na imprastraktura, sa gitna ng banta ng National Union Party (NUP) na kumalas sa majority bloc ng Kamara.
Sa halip na pamumulitika, itinuro ng DBM na ang mga pagbabagong isiningit mismo ng mga mambabatas sa 2026 General Appropriations Act (GAA) ang naging dahilan ng conditional release ng mga pondo.
Nag-ugat ang isyu nang ihayag ni NUP Chairman at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno ang pagkadismaya ng kanilang partido kay Speaker Faustino Bojie Dy III dahil sa hindi pa rin naibibigay na pondo para sa mga proyekto sa kanilang mga distrito.
Ayon kay Puno, inabisuhan umano sila na kailangang may manalo muna sa bidding ng proyekto bago maglabas ang DBM ng Special Allotment Release Order (SARO) sa regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Subalit nilinaw ng DBM na mahigpit lamang nilang sinusunod ang batas.
Paliwanag ng ahensya, nagpasok ang Kongreso ng Congress Introduced Changes and Adjustments (CICA) sa mga locally funded infrastructure (LFI) projects na inihain ng Ehekutibo.
Dahil nabago ang orihinal na National Expenditure Program (NEP), ang mga pondo para sa nasabing proyekto ay inilagay sa ilalim ng For Issuance of SARO (FISARO).
Batay sa President’s Veto Message, ang mga ganitong pagbabago ay nangangailangan pa ng karagdagang validation at clearance mula sa Office of the President (OP) bago mai-release ang pera.
Iginiit din ng DBM na hindi tumpak ang paratang na kailangang matapos ang bidding bago nila aprubahan ang pondo.














